Book Review: Supremo

7:28:00 AM


Nabili ko ang librong "Supremo" noong Manila International Book Fair 2015. Naaalala ko pa na dumalo ako sa isang event ng Adarna at sakto kakabili ko lang nitong libro at nandoon ang ay-akda na si Xi Zuq. Agad akong lumapit sa kanya para magpaprima ng mga libro niya. Hindi ko pa noon nababasa ang libro. Gusto ko ang disenyo ng libro. Ang ganda ng mga illustrations. Kudos kay Al Estrella. Ang ganda din ng layout at malaki ang mga titik kaya madaling basahin. Halos 100 na pahina lamang kaya kayang tapusin sa loob ng isang araw.


Natuwa ako sa sinabi ni Xi Zuq noong nilagdaan niya ang aking kopya ng kanyang librong "Supremo". Sabi niya "Kay Lads: Huwag sukuan ang mga pangarap". Marami akong pangarap sa buhay at matiyaga akong nagsisikap upang makamit ang mga pangarap na ito. Isa na dito syempre ang pagiging doktor. Mahaba-haba pa ang lalakbayin ko, marami pang hirap na pagdadaanan pero alam kong sa huli ay maaabot ko iyon dahil sa sipag, tiyaga at pananalig sa Panginoon.

Medyo nostalgic actually ang kwento ng librong ito. Ang pangunahing karakter na si Andro, short for Leandro Aponesto, ay isang karaniwang grade school student. Tapos kasama niya lagi ang kaniyang kaibigan na si Miyo, short for Eufemio Jade Apilar. Barkada silang dalawa. Natutuwa ako sa pagkakaibigan nila kasi talagang nandoon yung malasakit at pagmamahal sa isa't isa. Bagamat may mga tampuhan at awayan paminsan-minsan, nagkakabati din naman. Ayos din yung kanilang secret handshake. Bumabalik yung mga alaala noong grade school at high school na uso pa yung mga handshake ng mga grupo o magkakaibigan.

Naisipan ni Andro na tumakbo bilang supremo. Ang Supremo ang lider ng Katipunan sa kanilang paaralan. Ang Katipunan ay grupo ng mga pinunong estudyante sa kanilang paaralan. Ito yung kanilang student government o student council. Ang astig ng pangalan kasi hango sa Katipunan na nakipaglaban sa mga Espanyol noong unang panahon para makalaya ang ating bansang Pilipinas. Gustong maging Supremo ni Andro kasi ginagalang at nirerespeto ng lahat ng estudyante at guro ang Supremo. Parang si Andres Bonifacio lang na sobrang idolo ni Andro. 

Napagdesisyunan na ni Andro na tatakbo siya para sa pagiging Supremo. Sinuportahan naman siya ni Miyo at ng kanyang Tatay. Nakakatuwa ang mga programa nila Andro kasi nagkaroon sila ng tutorial program para sa mga bata. Nagustuhan ko iyon kasi nga mayroon akong tutorial center sa Bataan. Gusto ko din talaga ng pagtuturo kaya kahit nasa medical school na ako, humahanap pa rin ako ng paraan para makapagturo. Halimbawa na lamang ay ang pagtuturo ko sa mga guro at estudyante sa Bataan ng tungkol sa research kapag may libre akong araw.

Nakarelate din ako sa pagtakbo ni Andro bilang Supremo. Dahil noong nasa high school ako ay ilang beses din akong tumakbo sa iba't ibang posisyon sa student council. May mga pagkakataong natalo ako at may pagkakataong nanalo din naman. Mahigpit ang naging labanan ni Andro at ni Jenny. Sikat kasi sa paaralan si Jenny at dati nang bahagi ng Katipunan. Ngunit hindi nagpatinag si Andro lumaban pa rin siya hanggang sa huli. Syempre hindi ko ikukwento ang nangyari, kailangan mabasa niyo dahil maganda ang kwento sa libro. Ang daming aral na makukuha.

Ang pinakagusto kong aral mula sa librong ito ay ang tinuran ni Titser Andrea, "Minsan hindi posisyon ang paraan para maging Supremo". Totoo ang sinabi niyang iyon dahil hindi naman kailangan ng posisyon para makatulong sa kapwa. Kailangan mo lang magkaroon ng pusong handang maglingkod at tumulong. Kahit wala na yung pagiging sikat at pagkakaroon ng recognition. Ang mahalaga ay maipaabot ang tulong samga nangangailangan. Hindi mo kailangang maging sikat at may posisyon para tumulong. Kung ihahalintulad ko sa buhay ko ngayon, hindi ko kailangang hintayin pa na magkaroon ako ng lisensya bilang isang doktor para makatulong sa aking kapwa. Sa sarili kong paraan bilang isang medical student, may magagawa ako.

Halimbawa na lamang ay gumagawa ako ng iba't ibang mga researches upang makatulong sa nakararami. Isa sa mga ito ay ang research ko sa mga Ayta communities sa Bataan. Inaaral namin ang kanilang mga halamang gamot at mga kabuteng kinakain. Gumagawa kami ng sistematikong talaan ng mga halaman, kung paano ito ginagamit at mga sakit na nagagamot nito. Kasabay kasi ng urbanisasyon, nakakalimutan na ng mga batang Ayta ang kanilang indigenous knowledge pagdating sa mga herbal na gamot. Ako din ay isang blogger at nagsusulat ako ng mga health articles sa Filipino upang mas maintindihan ng mga Pilipino. Nagsasagawa ako ng mga researches tungkol sa mga sakit at isinasalin ko ito sa Filipino upang marami ang makaunawa nito. 

Pero syempre, huwag na huwag mong susukuan ang iyong mga pangarap. Magkaroon man ng kasawian at pagsubok sa buhay, patuloy lang. Hindi lahat ng matagumpay na tao, pinanganak na matagumpay na. Lahat sila ay nagsikap, lahat sila ay dumaan din sa hirap. Kaya huwag kang susuko. Tuloy lang ang laban. Gaya ng kung paano nakibaka at patuloy na nakipaglaban ang mga Katipuneros at iba pa nating mga bayani para makamit ng Pilipinas ang kalayaan mula sa mananakop, patuloy kang lumaban para iyong mga pangarap. 

You Might Also Like

0 comments

Twitter Feed