"Inumin Mo Yan, Nireseta sa Akin Iyan Noong Ganyan ang Sakit Ko"

6:48:00 AM


Noong nagsisimula pa lang ako sa pagsusulat ng mga health article, sumali ako sa mga Facebook group tungkol sa kalusugan, sakit, halamang gamot at iba pa. Naging isang paraan ito upang maibahagi ko sa kanila ang mga health articles ko. Dahil bahagi ako ng mga grupong ito, nakikita ko ang mga posts at comments ng mga tao. Madalas na nagpopost ang mga tao ng kanilang mga sakit, sintomas at laboratory results. Madalas nagtatanong sila ng mga mabisang gamot, halamang gamot o medical procedures na dapat gawin.

Napansin ko na madalas na nagsasabi ang ilang mga pasyente ng mga gamot na nireseta sa kanila ng kani-kanilang mga doktor. Kadalasang sinasabi na "Nireseta sa akin yan noong nagkaroon ako ng ganyang sakit at epektibo naman". Pati ang dosage at dalas ng pag-inom ay kanilang ibinabahagi sa ibang mga myembro ng grupo. Kaya madalas ay ginagamit naman ng ibang mga tao dahil nakita nila na mabisa ito at epektibo sa ibang mga myembro ng Facebook group.

Batid ko na nais lamang nilang tumulong sapagkat noong naranasan nila ang parehong sakit, nagpadoktor sila at may gamot na inireseta sa kanila at naging epektibo naman. Kaya ibinabahagi nila ito sa ibang myembro ng grupo. Bagamat maganda ang hangarin ay maaaring maging delikado ito sa ibang tao. Hindi pare-pareho ang reaksyon at epekto ng parehong gamot sa magkaibang tao. Maaaring maging epektibo ito sa isang tao at hindi epektibo sa iba. Maaaring walang adverse drug reaction sa isang tao ngunit maaaring mayroon sa iba. Maaaring epektibo ang dosage sa matatanda ngunit kapag ginamit sa bata ay maaaring magdulot ng masamang epekto. 

Hindi basta-basta ang pag-inom ng gamot. Lalo na ang mga prescription drugs. Hindi porket naging epektibo ito sa inyong mga kaibigan, kamag-anak o kakilala ay gagamitin niyo na ito. Unang-una, hindi mo alam kung allergic ka ba doon sa gamot na iyon. Hindi mo alam kung tama ba ang dosage at frequency ng pag-inom ng gamot. Lalong mahalaga ang konseptong ito sa mga bata. Karamihan sa mga gamot ay hindi pareho ang dosage sa bata at sa matatanda. Kailangan pa rin na matingnan ng doktor ang taong may sakit upang makapagreseta ng tamang gamot, tamang dami at dalas ng pag-inom nito. At isa pa, dahil iba-iba ang genes ng bawat tao, may kinalaman ito sa pagkakaiba ng reaksyon ng ating katawan sa gamot. Kaya hindi basta-basta dapat umiinom ng gamot dahil narinig lang na epektibo ito sa ibang tao.

Delikado din ang pag-inom ng gamot dahil narinig lang sa mga kakilala na hindi naman doktor sapagkat ang isang gamot ay maaaring mag-interact kapag ikaw ay may iba pang gamot na iniinom. Halimbawa ay may maintenance drugs ka para sa sakit sa puso, altapresyon, diabetes at iba pa, hindi basta-basta iinom ka nalang ng gamot na hindi inirereseta sa iyo ng iyong doktor. Dahil maaring magkaroon ng drug-drug interaction na maaaring mauwi sa malalang epekto sa iyong katawan. Halimbawa ay umiinom ka ng warfarin at bigla uminom ka ng maraming NSAIDS (aspirin, diclofenac, ibuprofen) maaari nitong mapataas ang pagdudugo. Isa pang halimbawa ay ang mga kababihang umiinom ng contraceptive pills at umiinom din ng ilang antibiotics, maaaring mabawasan ang bisa ng contraceptive pills (Source: American Academic of Family Physicians).

Mainam pa rin na kumonsulta muna sa inyong doktor upang malaman ang gamot na dapat inumin. Ang mga doktor din ang makakapagsabi kung may magiging komplikasyon ba kung may sabay kang gamot na iinumin. Alam kong dahil sa kagustuhan magtipid ay hindi na lamang pupunta sa doktor at makikinig nalang ang iba sa sabi sabi ng mga kakilala. Ngunit baka sa kagustuhan mong makatipid, lalo ka pang mapamahal kapag nagkaroon ng matingid drug reaction sa iyong katawan o mas malala baka manganib ang iyong buhay.

You Might Also Like

1 comments

  1. malaking tulong ang iyong artikulo sir.. sana magkaroon ka naman para sa may mga papunta nang anxiety problems mahal kase magpagamot ng ganoon dipa naman malala sa akin kaso pag stress ako dun ko nararamdaman na parang may nerbyos ako at di mapakali maraming salamat at madame ka pang matutulungan..

    ReplyDelete

Twitter Feed