Book Review: Piknik

5:08:00 AM


Ang "Piknik" ay kwento ni Maam Will P. Ortiz, isang propesor ng Philippine Studies at Malikhaing Pagsulat sa UP Diliman. Naririnig ko na ang pangalan ni Maam noong nasa UP Diliman pa ako at parang may nabasa na rin akong likha niya dahil kumuha ako ng Panitikan at Kulturang Popular at Malikhaing Pagsulat na GE noon. Ang gumuhit naman ng librong ito ay si Dominic Agsaway. Lahat ng mga kwento sa series na "Mga Aral nina Pagong at Matsing" ay iginuhit ni Sir Dominic Agsaway.

Nagsimula ang kwento nang papaalis sina Pagong at Matsing para magpiknik sa kagubatan. May baon silang buko at biko. Isa sa mga paborito kong kakanin ang biko lalo na kapag may keso sa itaas. Nakakatuwa itong si Pagong at Matsing dahil ang healthy ng kanilang baong pagkain para sa piknik. May baon din silang camera para siguro makuhanan nila ang kagandahan ng kagubatan at makakuha na rin sila ng kanilang larawan habang nagpipiknik.

Habang naglalakad nakakita ng mga nakataob na maliliit na puno ang magkaibigan. Dahil may malasakit sila sa kalikasan ay itinanim nila ito. Hindi rin nila inukitan ang puno sapagkat ayawnilang masaktan ang mga ito. Mahalaga ang papel na ginagampanan ng mga puno sa kabundukan. Unang-una, nagbibigay ito ng sariwang hangin. Naglalabas kasi ng oxygen ang mga puno at kinukuha nila ang carbon dioxide na nakakatulong upang hindi maging sobrang init ng mundo. Malaking papel ang kanilang ginagampanan upang mapigilan ang mga masamang epekto ng climate change. Hinahawakan din ng ugat ng mga puno ang lupa upang hindi ito mabuwag at upang hindi magkaroon ng landslide. Tahanan din ang mga puno ng libu-libong klase ng mga hayop at iba pang halaman. Nawa ay matutunan ng mga bata mula sa kwentong ito ang pagpapahalaga sa mga punungkahoy at halaman sa kagubatan.

Nasabi rin ni Pagong na nakakaalis ng inis ang piknik. Totoo ito dahil sa pagpunta sa kabundukan, nalalayo tayo sa polusyon sa siyudad. Nakakalanghap tayo ng sariwang hangin. Dahil din sa paglalakad, nagkakaroon tayo ng ehersisyo at nagdudulot ito ng paglalabas ng endorphins o happy hormone. Mayroong antidepressant effect ang endorphin sa ating katawan. Nakakatulong itong bawasan ang sakit at stress na ating nararanasan at napapalitan ito ng pleasure at euphoria. Nakakatulong din ito sa mga mental health problems dahil naiibsan nito ang anxiety at tumutulong na makaramdam ng sense of well-being, confidence at napapabuti ang pagtulong ng isang tao.

Nang pauwi na ang magkaibigan ay nakakita sila ng waling-waling. Isa itong uri ng orchid at ang bulaklak nito ang pambansang bulaklak ng Pilipinas at ito ay matatagpuan lamang sa probinsya ng Davao, Cotabato at Zamboanga. Pipitasin sana ni Matsing ang bulaklak ngunit pinigilan siya ni Pagong. Tama ang ginawa ng magkaibigan. Hindi dapat natin sirain at kunin ang mga halaman sa kagubatan. Ang ginawa na lamang ng magkaibigan ay nagpakuha ng larawan kasama ang bulaklak gamit ang kanilang camera. Palagay ko ay kabilang sa millenials sina Pagong at Matsing dahil mahilig sa pagkuha ng selife. Hahahaha.

Napakaganda ng aral na nais ipabatid ng kwento sa mga mambabasa. Malapit sa puso ko ang pagmamahal sa kalikasan dahil bago ako pumasok ng medisina, nagtapos muna ako ng BS Biology sa UP Diliman. Kaya malapit sa akin ang lahat ng klase ng buhay sa mundo mula sa bacteria, fungi, halaman at hayop. Dapat natin silang pahalagahan kasama na ang kalikasan dahil malaki ang papel nila sa ating mundo. Nilikha din sila ng Panginoon kaya bilang tagapangalaga ay dapat natin silang protektahan. Kapag nawala sila, hindi tayo mabubuhay dahil nakadepende tayong mga tao sa halaman at hayop sa ating kapaligiran. Huwag sana nating abusuhin ang kalikasan sa halip ay pangalagan at pagyamanin ng lubusan. Tayo din naman ang makikinabang sa biyayang magmumula sa kalikasan.

You Might Also Like

0 comments

Twitter Feed