Book Review: Ang Kapuri-puring Kuting

4:07:00 AM


Parte pa rin ang librong ito ng Mga Aral nina Pagong at Matsing ng Lampara Books. Ang librong ito ay kuwento ni Sir Eugene Evasco at iginuhit ni Dominic Agsaway. Kung mapapansin ninyo, kabaligtaran ito ng naunang kuwento na ginawan ko din ng book review: Ang Mainggiting Kuting. Halos pareho din ang mga karakter ng kwento at pati ang istilo ng pagguhit. 

Maraming kagandahang-asal na ipinamalas si Kuting sa kuwento. Siyempre hangad ng may-akda na matutunan din ito ng mga batang magbabasa ng kuwento. Unang magandang-asal na taglay ni Kuting ay ang pagmamano sa nakatatanda. Kaugalian ito ng mga Pilipino na tanda ng paggalang sa nakatatanda. 

Nakikinig sa payo ng mga nakatatanda. Hindi tulad ng ibang kabataan na hindi nakikinig sa mga magulang at kung minsan ay sumasagot pa ng pabalang. Sa panahon ngayon dumarami na rin ang mga kabataan na hindi sumusunod sa kanilang mga magulang kaya madalas ay nakakaranas ng kapahamakan. Lagi kasi nating tandaan na mahal tayo ng ating mga magulang at ang mga ginagawa nila ay para sa ating kapakanan. Sabi ng Panginoon sa Exodus 20:12 "Igalang mo ang iyong ama at ang iyong ina: upang ang iyong mga araw ay tumagal sa ibabaw ng lupa na ibinibigay sa iyo ng Panginoon mong Dios".

Marunong ding magpasalamat si Kuting. Dapat ay hindi tayo maging mareklamo sa kung ano ang ibinigay sa atin ng Panginoon. Piliin natin na makita ang maganda sa lahat ng gma bagay at karanasan. Kasi kung lagi tayong titingin sa kamalian, kakulangan at hindi maganda sa bawat bagay, lagi lang tayong malulungkot at mabibigo. Sabi nga nila "count your blessings". Magpasalamat sa lahat ng bagay na iyong natatanggap.

Magalang din si Kuting sa nakakatanda. Tinutulungan niya ang mga ito lalo na kung nakikita niya na nahihirapan ang mga ito. Maraming mga kabataan Pilipino ang nakikita kong magalang pa rin. Lalo na sa mga nakatatanda. 

Gusto ko din kay Kuting ay ang malasakit niya sa kalikasan at sa kapligiran. Hindi siya nagtatapon ng basura kung saan-saan. Sa bagay na ito kulang ang mga Pilipino. Wala tayong disiplina sa pagtatapon ng ating mga basura. Kahit ang maliit na pabalat ng kendi, sa halip na ibulsa o itapon sa basurahan, mas pinipili ng karamihan na itapon sa daan. Nakakalungkot na walang disiplina ang mga Pilipino pagdating sa pagtatapon ng basura. Kaya hindi ako nagugulat kung bakit sobrang dumi ng mga kalsada lalo na sa mga syudad tulad ng Maynila.

Hindi rin siya nagsasabi ng masasamang salita o nagmumura. Ang problema sa mga kabataan ngayon madalas nilang naririnig ang mga mura kaya inaakala nila ay katanggap-tanggap ito at ayos lang sabihin. Sana sa mga nakatatanda, maging mabuting halimbawa tayo sa mga bata. 

At dahil sa taglay na katangian ni Kuting, mahal na mahal siya ng mga tao sa paligid niya. Iginagalang kasi niya ang mga tao sa paligid niya maging ang kanyang kapaligiran. Sana mabasa ito ng mga kabataan at matuto mula sa buhay ni Kuting.

You Might Also Like

0 comments

Twitter Feed