Iyan Ang Doktor Ko!

8:50:00 AM


Kamakailan lang ay nagtanong ako sa mga mambabasa ng Doktor Doktor Lads kung ano ang hinahanap nilang mga katangian sa kanilang mga doktor. Bakit nga ba bumabalik-balik ang isang pasyente sa kanilang doktor? Narito ang summary ng mga katangian ng doktor na hinahanap ng mga pasyente.

  • Isa sa pinakahinahanap ng mga pasyente ay ang magaling na doktor. May mga pasyente na gusto ng espesyalista na talagang maalam sa panggagamot. Bagamat mahalaga sa kanila na mabait ang doktor, kailangan din ay magaling din ito. Hindi nga naman pwede na mabait lang ang doktor at hindi naman ito maalam sa panggagamot.
  • Mayroong nagsabi na hinahanap nilang katangian ay katulad ni Dr. Willie Ong. Si Doc Willie ay matagal nang hindi naniningil sa kanyang ginagawang konsultasyon sa mga pasyente. Marami na ring tao ang kanyang natulungan sa kanilang mga problemang pangkalusugan. Nagbabahagi din si Doc Willie ng mga libreng health advisories sa kanyang Facebook page. Malaki ang pasasalamat ko kay Doc Willie dahil noong nagsisimula pa lamang ako sa pagsusulat ng mga health articles, siya ang tumulong sa akin. Siya ang nagpayo ng mga kailangan kong gawin upang makapagbahagi ng de kalidad na health articles online. 
  • Gusto din ng mga pasyente na binibigyan sila ng sapat na oras kapag sila ay nagpunta para sa konsultasyon. Ayaw nila ng mga doktor na nahuhuli sa itinakdang oras ng konsultasyon. Ayaw nila ng nagmamadali at binibilisan ang check-up sa mga pasyente. Gusto nila na maramdaman na talagang nakakakuha sila ng tamang serbisyong medikal. Ayaw din nila sa doktor na palaging galit at hindi sumasagot sa mga tanong ng pasyente. Gusto nila ng mga doktor na malumanay magsalita.
  • Gusto ng mga pasyente ng compassionate na doktor. Gusto nila ng mga doktor na talagang hinihikayat ang mga pasyente na magbagong-buhay upang maging malusog ang pangangatawan. Gusto din ng mga pasyente na isinasama sila ng doktor sa mga desisyon na kailangan gawin lalo na sa mga gamutan para sa kanilang karamdaman. Gusto nila na direct to the point ang mga doktor at huwag nang paliguy-ligoy pa sa pagsasabi ng kanilang sakit o kalagayang pangkalusugan. Mahalaga din sa mga pasyente na naipapaliwanag sa kanila kung ano ang kanilang sakit, ano ang mga gamutan at mga diagnostic tests na kanilang kailangan.
  • Gusto ng mga pasyente ng doktor na may puso, maawain at itinuturing na kamag-anak ang kanilang mga pasyente. Mahalaga para sa mga pasyente na nararamdamn nila na nauunawaan ng doktor ang kanilang kalagayan. Pinakaayaw ng mga pasyente ang mga doktor na mukhang pera. Mga doktor na nakatuon lamang ang isip sa pagkakaroon ng limpak limpak na pera mula sa panggagamot. Maraming karanasan ang mga mambabasa ng Doktor Doktor Lads sa mga doktor na nagrereseta ng napakamamahal na gamot kahit na alam nilang hindi ito kayang bilhin ng mga pasyente. Batid din ng mga pasyente na may mga doktor na nakakakuha ng pera mula sa mga malalaking kumpanya ng gamot kapag inirereseta nila sa mga pasyente ang gamot na ibinebenta ng mga kupanyang ito. Isa ito sa maraming dahilan kung bakit nawawalan ng tiwala ang mga pasyente sa mga doktor.
  • Gusto ng mga pasyente ng mga doktor na magiliw sa pagtanggap sa mga pasyente. Dapat daw ay walang palakasan system. Kung sino ang nauna sa pila, sila dapat ang unahin sa konsultasyon. Liban na lamang daw kung may emergency. Tama naman iyon dahil kung sino ang pinakanangangailangan ng gamutan, sila talaga ang uunahin. Ito ang dapat maintindihan ng mga pasyente lalo na kapag pumupunta sa emergency department ng hospital. May triage po tayong tinatawag kung saan kinikilatis ng mga doktor kung sino ang dapat unahin at kung sino ang pinakanangangailangan ng gamutan. 
  • Ayaw ng mga pasyente ang doktor na reseta lang ng reseta ng mga gamot kahit hindi ipinapaliwanag ng mabuti kung para saan ito. Gusto din ng mga pasyente na nagbibigay ng alternatibong paraan ng gamutan ang mga doktor. May mga nagsabi na gusto din nila na pinapayuhan sila sa mga pagkain lalo na kung ang kanilang sakit ay makokontrol naman sa pamamagitan ng tamang pagkain at ehersisyo.

Mahirap talagang maging doktor dahil isa itong service profession. Kung gusto mong maging sobrang yaman, siguro ay dapat sa business profession ka pumunta. Kung wala kang malasakit sa tao, marahil ay hindi pagdodoktor ang para sa iyo. Wala namang naghihirap na doktor. Marami din naman ang yumayaman lalo na yung may ibang businesses bukod sa panggagamot. Ngunit kahit na hindi ka man maging sobrang yaman, iba pa rin ang fulfillment na makukuha sa bawat buhay na iyong naililigtas at bawat taong nabibigyan mo ng bagong pag-asa at mga.

Para sa mga kapwa ko mag-aaral pa lamang sa medisina, alalahanin natin na ang medisina ay hindi lamang aghan, ito din ay isang sining. Matuto nawa tayong makitungo ng maayos sa ating pasyente. magkaroon nawa tayo ng malasakit at pagkalinga sa kanila. Alalahanin natin na ang ating magiging mga pasyente ay mga tao na may damdamin na maaaring masaktan. Mahalin natin ang ating mga pasyente at paglingkuran natin sila ng buong katapatan, kagalingan at kahusayan.

Nawa ay maging gabay itong post na ito para sa mga hinahanap ng mga pasyente sa kanilang mga doktor. Nawa ay maging mabuti, magaling at mapagmahal tayong mga doktor sa hinaharap. Kapit lang sa medical school!

You Might Also Like

0 comments

Twitter Feed