Book Review: Detective Boys of Masangkay

5:45:00 PM



Bagong labas na libro ng Adarna House ang "Detective Boys of Masangkay (DBM)". Isinulat ito ni Bernalyn Sastrillo at ito ang kanyang unang nobela. Bumili ako ng kopya ko nito sa booth ng Adarna sa Manila International Book Fair 2016. Discounted ang presyo ng libro kaya nabili ko ito sa mas murang halaga. Mayroon ding kasamang maliit na flashlight mula sa Adarna para mas maramdaman ng mga mambabasa ang pagiging detective. Kadalasan kasi sa madidilim na lugar nag-iimbestiga ang mga detectives at kailangan nila ng flashlight. 

Maganda ang cover ng libro. Pag tiningnan mo ito, ang una mong iisipin ay nakakatakot at may kababalaghang nangyayari sa kwentong ito. Isa rin ito sa dahilan kung bakit ko binili ang libro, dahil parang may kinalaman ang mangkukulam sa kwento sa Barangay Masangkay. Mahilig kasi ako sa mga kwentong aswang at kababalaghan lalo na nung nabasa ko yung dalawang libro ni Sir Egay tungkol kay Janus Silang. 

Noong una ay ayaw ko pang simulan ang pagbabasa kasi malaki yung libro at mukhang mahaba. Nasa 200 na pahina ang kabuuan ng libro. Pero sinimulan ko itong basahin habang bumibiyahe ako pauwi ng Bataan mula sa Manila. Nagulat nalang ako na pagdating ko ng Bataan ay nakalahati ko na ang pagbabasa ng libro. Sobrang nakakaengganyong basahin ng libro. Parang ayaw ko nang tigilan noong nasimulan ko na. Palagay ko karamihan sa atin ay mga fans ni Detective Conan. Ang kwento ng DBM ay parang Detective Conan. Idol nga nila si Detective Conan at ito ang kanilang inspirasyon sa paglutas ng mga kaso sa Masangkay.

Ang DBM ay binubuo nila Uno, Thirdy at Junior. Pare-parehong Michael ang kanilang pangalan kaya nagkaroon sila ng palayaw. Si Uno ang tumatayong lider ng grupo. Matalino si uno at siya ang nakatalaga na magplano sa pagsisiyasat ng DBM sa mga kaso sa Masangkay. Si Thirdy naman ang heartthrob ng grupo. Gwapo siya at magaling umarte at makipag-usap sa tao. Siya ang nakatalaga sa komunikasyon at pagkalap ng impormasyon mula sa ibang tao. Si Junior naman ang pinakamalaki at pinakamalakas sa grupo. Anak siya ng chief police ng Masangkay at ang kauna-unahang black belter sa Judo sa mga bata sa Masangkay. Siya ang inaasahan ng grupo sa oras na sila ay mapaaway at mapalaban.

Magkakaroon sila ng honorary member, si Me Ann. Maganda si Me Ann ngunit di tulad ng ibang babae, wala siyang arte sa katawan. Matalino si Me Ann at paborito din niya ang Detective Conan. Ika nga ng DBM, "one of the boys" siya. Magiging honorary member siya dahil interesado din siya sa kasong gustong lutasin ng DBM. Naipasa niya lahat ng pagsubok para maging honorary member ng DBM. Sa bandang hulihan ng kwento, mas magiging malaki ang papel ni Me Ann at ng kanyang pamilya sa kasong lulutasin ng DBM.

Maraming aral ang mapupulot mula sa kwentong ito. Isa na rito ang tunay na pagkakaibigan. Ilang beses nasubok ang pagkakaibigan ng DBM ngunit hindi sila natinag. Naipakita na mahalaga ang tiwala sa pagkakaibigan. Kailangan din ang pagiging bukas sa komunikasyon upang maiwasan ang di pagkakaintindihan. Mahalaga din na walang iwanan sa pagkakaibigan. Kahit na nahihirapan, dapat laging nagdadamayan. Napakasaya ng grupo ng DBM dahil ang problema ng isa, ay problema ng lahat. Tulung-tulong sila sa paglutasng kanilang mga problema.

Nagustuhan ko rin ang magiging love story sa loob ng DBM. Nagkaroon ng kaunting tunggalian sapagkat magkakaroon ng "love triangle" sa grupo. Nakadagdag ito sa excitement ibinibigay ng kwento sa mga mambabasa nito. Naipakita rin sa kwento yung relasyon sa isang pamilya. Minsan nagkakaroon ng di pagkakaunawaan lalo na sa pagitan ng mga anak at magulang pero sa huli makikita pa rin ang pagmamahalan. Maganda ang kwento ni Junior at ng kanyang tatay na chief police. Basahin niyo para malaman ninyo.

Maraming kababalaghan na hindi maipaliwanag ang nangyayari sa Masangkay. May mga hayop na nawawala, mga damit na ninakaw, mga manok panabong na namatay at isang bata ang mawawala. Dahil hindi ito maipaliwanag ng tao sa Masangkay, ibinintang nila ang sisi kay Aling Binang na matagal nang usap-usapan na isang mangkukulam Umabot sa presinto ang bintang ng taumbayan at dumating pa sa puntong sinugod na nila ang tahanan ni Aling Binang sa deadend ng Masangkay para lamang mapatunayan na siya ang mangkukulam na may kagagawan ng lahat ng kababalaghan sa Masangkay.

Bumili ng kopya ng Detective Boys of Masangkay at alamin kung sino ba talaga ang may kagagawan ng lahat ng nakawan at patayan sa Barangay Masangkay.

You Might Also Like

0 comments

Twitter Feed