Book Review: Ang Lola Kong Mahilig Mag-Utos

4:02:00 AM


Pauwi na ako mula sa Manila International Book Fair noong mapadaan ako sa booth ng Chikiting Books. Wala na talaga akong balak bumili ng libro dahil marami na akong nabili at pakiramdam ko ay mauubos na yung laman ng debit card ko. Bago kami lumabas ng SMX Convention Center mula sa booth ng Church Strengthening Ministry, nadaaan ko yung Chikiting Books at napatigil ako. Unang-una, isa pa lang yung children's book ko mula sa Chikiting Books. Kaya napaisip ako na bumili na din ng mga libro lalo na may discount sila, buy 5 take 1.

Tinanong ko si Kuya ng mga recommended books mula sa Chikiting. Tapos isa sa mga nabanggit niya ay ang librong ito: Ang Lola Kong Mailig Mag-Utos. Sinabi niya na maganda yung kuwento kasi hindi naiintindihan nung apo kung bakit laging nag-uutos ang lola niya sa kanya. Nakakaiyak daw ang kwento. Kaya binili ko na. Tapos nagulat ako na si Tito Doc din pala ang may-akda ng librong ito. Si Zeus Bascon naman ang gumuhit ng mga larawan na lalong nagpatingkad sa kwento.

Umikot yung kwentong ito sa isang batang babae, si Maritess na naiinis sa kanyang lola dahil siya nitong inuutusan. Madalas nga ay pinagtataguan na niya ito para hindi mautusan at kapag nakatalikod ang lola niya, pinandidilaan niya pa ito. Nagtatampo siya sa lola niya dahil hindi naman ganito ang pakikitungo nito sa kanya dati. Ngayon palagi siya nitong sinisigawan. Palagi din na parang nanlilisik ang mga mata niya kapag nakatingin kay Maritess. Kaya ang lolo nalang ni Maritess ang mas paborito niya.

Hindi naiintindihan ni Maritess kung bakit ganoon ang pangyayari. Kinailangan niya pang lumipat sa kwarto ng kanyang lola upang malaman ang dahilan kung bakit laging nag-uutos ang kanyang lola. Basahin ninyo ang libro at alamin kung paano mabibigyang maliliwanagan si Maritess tungkol sa mga dahilan ng laging pag-uutos ng kanyang lola sa kanya. Ang ganda ng rebelasyon kung bakit laging sumisigaw ang lola, bakit parang nanlilisik ang mata at bakit laging nag-uutos ito. Noong nalaman na ni Maritess ang tunay na dahilan, mas naintindihan niya ito. Lagi na niya itong tinutulungan at pinagsisilbihan.

Sana ay makabili ka din ng kopya ng librong ito. Kapupulutan talaga ito ng aral ng mga bata. At mas maiintindihan nila ang mga matatanda. 

Napakaganda ng kwentong ito dahil marami sa ating ang makakarelate kay Maritess. Marahil marami sa atin ang laging nauutusan noong mga bata tayo. Madalas nagdadabog kasi lagi nalang tayong inuutusan. Pero may dahilan pala ang ating mga lolo at lola kung bakit minsan ay nag-uutos sila. Dala kasi ng katandaan ay hindi na sila kasinlakas noong mas bata pa sila. May mga gawain na hindi na nila kayang gawin. Kadalasan ay sinusumpong na rin sila ng rayuma. Masakit ito dahil nagkikiskisan yung mga buto nila dala ng katandaan. Madalas ay hindi sila makatayo at makalakad kapag sumusumpong ito. Marami na rin silang mga sakit sa katawan. Nandyan ang diabetes, hypertension, panlalabo ng mata, paghina ng pandinig at marami pang iba.

Para mas maintindihan natin ang ating mga lolo at lola, dapat kausain natin sila. Marami silang mga kwento sa buhay at marami tayong aral na makukuha mula sa kanila. Naaalala ko pa noong Geriatrics module namin sa medical school, sobrang daming kwento ng mga lolo at lola na nakapanayam namin para sa patient history taking. Gusto ko din na kinakausap ang lola ko. Wala na kasi akong lolo. Madalas kapag umuuwi ako sa amin probinsya, kinakausap ko ang lola ko. Kinukumusta ko siya, yung kanyang kalusugan at syempre kinukuwento ko yung mga karansan ko sa medisina. Sobrang proud siya kapag nalalaman niya yung mga tagumpay ko.

Ngayon na mas matanda na ako, hindi na ako madalas inuutusan ng lola. Kapag nga umuuwi ako sa amin, lagi akong inaalok ng pagkain. Batid din siguro ni Lola Eya na sobrang pagod sa school at kailangan ko din minsan magpahinga at kumain ng marami. Sobrang gusto ko yung lutong gulay ng lola ko. Nitong linggo lang, kumain kami sa labas kasi birthday ng nanay ko. Masaya ako na may bonding moments pa din kami ng lola ko kahit na medyo busy na sa medical school.

Ikaw, ano ang mga naaalala mong moments kasama ang lola mo? Kausapin mo naman siya. Kamustahin mo ang kalusugan niya. Sabihin mo na namimiss mo na siya. Hangga't may oras ka pa.

You Might Also Like

0 comments

Twitter Feed