Pag-Ibig at Pagbibisikleta: Minsan Magkatulad, Minsan Magkaiba

8:42:00 AM

Man, Old, Bike, Nature, Green

Pag-Ibig at Pagbibisikleta: Minsan Magkatulad, Minsan Magkaiba

Sabi nila ang pag-ibig ay parang pagbibisikleta
Bago mo lubusang matutunan ang paggamit
Kailangan mo munang maranasan ang sakit
Ng pagsemplang at pagkahulog sa lupa

Matapos ang ilang pagkabigo
Matutunan mo ding hawakan ang manibela
At kung paano ibalanse ang bisikleta sa lupa
Sulit naman pala ang lahat ng sugat na iyong natamo

Parang pag-ibig na kahit ilang beses mang masaktan
Patuloy pa ring susubok na magmahal
Hindi mawawalan ng pag-asa at patuloy na susugal
Na darating din yung taong mamahalin ka ng lubusan

Matapos ang ilang pagkahulog sa lupa
Kaya mo nang patakbuhin ang bisikleta ng matulin
Ramdam mo ang masarap na pagdampi ng hangin
At habang nasa bisikleta, dama mo ang pagiging malaya

Parang pag-ibig na matapos ang malungkot na pag-iibigan
Mayroon mang pighati at lungkot sa una
Mananaig pa rin ang saya mula sa paglaya
Sa isang relasyon na wala naman nang patutunguhan

Sa pagbibisikleta, hawak mo ang bilis ng pagpapatakbo
Maaaring bilisan upang makarating agad sa patutunguhan
O maaaring bagalan kung may magandang babaeng tinitingnan
Kontrolado mo ang bawat pagliko, pagtakbo at paghinto

Ngunit sa pag-ibig hindi mo kontrolado mga mangyayari
Hindi pwedeng madaliin para lang sagutin ka ng sinisinta
Hindi pwedeng pabagalin upang ang pag-iibigan ay humaba pa 
Basta sasabay ka lang at aasang tuluy-tuloy at masaya ang byahe

Ang pagbibisikleta, kapag natutunan mo
Hinding-hindi mo na ito malilimutan
Hindi mo na maiaalis sa iyong isipan
Parte na ito ng iyong pagkatao 

Ngunit sa pag-ibig, tila marami ang nakakalimot
Marami ang mabilis magsawa sa relasyon
Marami ang mabilis maka move on
Habang ang iba ay di makausad, puno pa rin ng lungkot

Sa pagbibisikleta, 'pag nagkamali ng daan
Maaari kang bumalik sa pinanggalingan
Kung may nakalimutan ay pwede pang balikan
Pero sa pag-ibig, kapag nagkalabuan at nagkaroon ng 'di pagkakaintindihan
Mayroon pa kayang pag-ibig na pwedeng balikan?

You Might Also Like

0 comments

Twitter Feed