Mga Bato sa Dalampasigan

6:42:00 PM

Baler, Aurora (June 22, 2016)

Panimula: Siguro kaya bato ang kadalasang nasa may dalampasigan kasi kahit anumang laki ng alon, gaano man kainit ang araw, lagi man silang matapakan o pamugaran ng anumang lamang-dagat, kakayanin nila. Kasi bato sila, matigas, matibay at matatag. Maaaring ganun na talaga sila, walang nararamdaman o maaari rin namang naging matigas, matibay at matatag na lang sila dahil na rin sa araw-araw na hamon sa kanila sa may dalampasigan. Kailangan nilang magpanggap na walang nararamdaman para hindi magmukhang luhaan at talunan.

Mga Bato sa Dalampasigan

Siguro kung nakakapagsalita lang
Ang mga bato sa dalampasigan
Marahil ay magmamakaawa sila
Sa malalakas na alon mula sa karagatan

Walang tigil, gabi, umaga, tanghali't hapon,
Patuloy silang hinahampas ng alon
Wala namang magawa kung 'di tanggapin
Ang hampas ng alon sa bawat pag-ihip ng hangin

Sa pagdaan ng taon nasanay na ang mga bato
Sa paghampas, pagbayo at pagsuntok ng tubig
Hindi dahil wala na siyang sakit na nararamdaman
Kailangan niya lang talagang maging matigas para di magmukhang talunan

Siguro ay sawang-sawa na sila sa kanilang kinalalagyan
Wala naman silang magawa kung 'di tanggapin ang kanilang kapalaran
Gustuhin man nila ay 'di sila makaahon mula sa buhangin
Hanggang tingin na lamang ang payapang lugar malayo sa hagupit ng alon at hangin

Ngunit sa kabila ng matinding init mula sa sikat ng araw
Ilang ulit mang tapakan ng mga taong sa dagat ay nagtatampisaw
Pamugaran man ng libu-libong mga lamang-dagat
Hindi natitinag ang bato, matatag sila, nagpapakatatag

Hindi naman talaga sila dapat kaawaan
Sa kabila ng lahat ng kanilang pinagdaanan
Marami mang piraso ng bato ang natanggal mula sa kanila
Kadalasan ang mga batong ito ang pinakamatibay at pinakamaganda

Kung nakakapagsalita lang ang mga bato sa dalampasigan
Marahil may inis, galit at yamot sa alon
Ngunit sa huli naroon pa rin ang pasasalamat
Na natututo siyang maging matatag at matibay sa kabila ng malalaking alon ng buhay

You Might Also Like

0 comments

Twitter Feed