Mahirap Magmahal ng Taong Takot sa Matataas na Lugar

7:03:00 PM

Peak of Mt. Pico de Loro

Sabi mo sa akin noong una tayong magkita
Natatakot kang pumunta sa matataas na lugar
Punung-puno ka ng kaba, nanginginig ang iyong tuhod
At takot kang anumang oras ay baka ka mahulog
Hindi ako naniwala sa una kasi wala sa iyong mukha
Isa ka sa pinakaastig at pinakamatapang na taong aking kilala
Alam kong hindi mo uurungan gaano man kataas ang pupuntahan

Pero nagkamali ako.

Ngayon naniniwala na ako na takot ka sa matataas na lugar
Kasi sa ating pag-iibigan, dinala mo ko sa kalangitan
Dinala ako ng iyong pagmamahal sa napakataas na lugar
Ngunit noong naroon na tayo sa kataas-taasan
Bigla ka nalang naglaho, bigla ka nalang nang-iwan
Bigla ka nalang bumitaw, di mo man lang ako sinabihan
Wala akong maisip na ibang dahilan ng iyong paglisan
Kung hindi ang iyong pagkatakot sa matataas na lugar

Bakit ka nang-iwan?

Hindi mo man lang sinubukan na ang kamay ko'y hawakan
At damhin na sa aking piling ika'y may kaligtasan
Na sa kabila ng lahat ng iyong takot at pangamba
Narito ako at handa kang samahan at tulungan
Na mawala ang takot mo sa kawalang-kasiguraduhan
Gaano man kataas ang ating patunguhan
Dahil sa lahat ng siguro, isa lang ang sigurado ko
Minahal kita ng buo at totoo.

Pero binigo mo ako.

Hinding-hindi na ako magmamahal ng taong takot sa matataas na lugar
Hindi-hindi na ako iibig sa taong hindi ako kayang samahan
Sa kalangitan ng pag-ibig at pagmamahalan
Kasi masakit maiwan dahil sa isang dahilan
Na natakot ka na ang ating pag-iibigan
Ay panandalian lamang at walang katiyakan
Gaya ng matindi mong pagkatakot sa matataas na lugar
Na isang maling hakbang lang maari kang masugatan
Kaya pinakawalan kita para hindi ka na masaktan

Pero nasaktan mo ako.

Ngayon natatakot na rin ako sa mataas na lugar
Hindi naman ako nahulog sa batuhan o napilayan
Nahulog ako sayo pero hindi mo ako sinalo
Yung sakit daig pa ang nabalian ng buto

You Might Also Like

0 comments

Twitter Feed